AKO’Y MAGPAPAALAM LAMANG – ikalawang bahagi

 

 

MALALIM na nag-iisip si ANITA, napatigil siyang parang ipinako sa kanyang kinatatayuan. Ang tingin ng pulubi ay nakagambala sa kanya. Pakiramdan niya, ang kanyang isipan ay parang gustong lumakbay sa nakaraan, noong siya ay nag-aaral pa lamang sa hayskol.

 

"Halika, Anita, gusto mong kausapin ang buntis na babaeng iyon, hindi ba?" nagitla si Anita sa malakas na boses ni Aldo. "Huwag mong sabihin na tatayo ka lang diyan?"

 

Si Anita ay tumingin sa buntis na babae. Gusto niyang maging nilalaman ng kanyang vlog ang buntis ngunit nagbago ang kanyang isipan. Hinimok niya si Aldo na sundan nila ang pulubi na lumalakad palayo.

 

"Balik na lang tayo mamaya sa kanya. Halika, sumunod ka sa akin. Sundan muna natin ang pulubing iyon!" sabi ni Anita kay Aldo at naglakad siya para sundan ang pulubi.

 

"Susundan mo siya dahil hindi niya tinanggap ang perang ibinibigay mo?" tanong ni Aldo kay Anita.

 

"Sumunod ka na lang sa akin," sagot ni Anita sa pinsan niya. Walang magawa si Aldo kundi sundin ang gusto ni Anita.

 

"Ikaw ang Boss!"

 

Nang sinundan nila ang lalaki, ini-isip nila kung paano ang isang mahina at may sakit na isang taong ay mabilis lumakad. Nakita nila na ang lalaki ay doon pumunta sa isang lugar na kinaroroonan ng mga kubo-kubo. Tapos hindi na nila ito nakita pa.

 

"Saan siya pumunta?" tanong ni Anita kay Aldo.

 

"Siguro sa isa sa mga kubung dito," sagot ni Aldo kay Anita habang nakatingin ang kanyang mga mata sa paghahanap sa lalaki.

 

"Pwede ba tayong tumingin sa loob ng mga kubo?" tanong ni Anita.

 

"Hindi ko alam. Ang mga kubong ito ay gawa lamang sa mga carton, sako at plastik ngunit ang mga taong naninirahan dito, ito ay kanilang kaharian. Hindi tayo maaaring basta na lamang sisilip sa loob," sabi ni Aldo.

 

"Ayon may isang babae, tanungin natin," nakita ni Anita ang isang babaeng nakaupo sa labas ng kanyang kubo at parang umi-iyak. Nilapitan nila ang babae habang patuloy na nagbe-video si Aldo.

 

"Magandang araw," binati ni Anita ang babae na tumingin lamang sa kanya. Hindi sumagot ang babae, ito ay umi-iyak.

 

"May ma-itulong ba kami sa iyo?" tanong ulit ni Anita sa babae.

 

"Hindi ko alam ang aking gagawin. Patay na ang anak ko at wala akong perang panglibing sa kanya," sagot ng babae kay Anita.

 

"Namatay ang anak mo? Nasaan siya?" tanong ni Anita.

 

"Namatay siya kagabi. Nandoon siya sa loob," sagot ng babae at sabay na tumayo para buksan ang sako na nagsilbing pinto sa kubo. Lumapit sina Anita at Aldo ng ilang hakbang para tumingin, at nagulat sila. Nagkatinginan sila sa isa't isa, ang patay na lalaking nakahiga sa luma at maruming banig, nagawa sa mga dahon ng Pandan ay ang pulubing sinusundan nila, ang pulubing hindi tumanggap ng perang ibinibigay ni Anita.

 

Nakadama ng panlalamig si Anita sa kanyang katawan. Bigla siyang hindi makahinga. Naglakad siya nang ilang hakbang palayo para makasagap ng hangin.

 

"Namatay siya kagabi lamang?" tanong ni Aldo sa babae.

 

"Oo, bago sumapit ang hatinggabi," sagot ng babae. Hindi na nagsalita si Aldo. Kapwa nila nakita ni Anita ang lalaki, kalahating oras lamang ang nakararaan. Nakapagtataka, naisip ni Aldo pero ito ay sinarili niya lamang.

 

"Anita, ayos ka lang ba?" Tanong ni Aldo kay Anita habang nakatuon ang kamera ng cellphone sa mukha ni Anita.

 

"Kailangan natin siyang tulungan," sabi ni Anita kay Aldo. Si Anita ay nagpasiya na ang pamilya ay ang magiging nilalaman ng una niyang vlog.

 

"Paano tayo makakatulong? May pera ka bang gastusin sa libing niya?"

 

"Pupunta tayo sa tanggapan ng pamahalaan o siyudad," at bumaling si Anita sa babaeng nagsabing siya ang ina ng pumanaw na pulubi. "Pakiusap mayroon ka bang ID ng iyong anak?"

 

"Oo, sandali lang," pumasok ang babae sa loob ng kubo at bumalik na may dalang isang lumang ID. Ibinigay niya ito kay Anita.

 

"Salamat, kumain ka na ba?" tanong ni Anita.

 

"Hindi, wala akong pera," sagot ng babae. "Aldo, mananatili ako rito at maghihintay sa iyo. Bilhin ang kanyang pagkain."

 

'Okey," ibinigay ni Aldo ang cellphone kay Anita at lumakad sila papunta sa kinaroonan ng kanyang motor.

 

Nang umalis si Aldo sakay ng kanyang motor para bumili ng pagkain, tumitingin si Anita kung saan siya pwedeng makaupo. Naunawaan ng babae na naghahanap si Anita ng mauupuan kaya pumasok siyang muli sa kanyang kubo at bumalik na dala ang isang baldeng plastic na walang laman.

 

"Puwede kang umupo dito," sabi ng babae kay Anita at inilapag ang balde ng patiwarik para makaupo si Anita. Umupo si Anita.

 

"Ikaw lang at ang anak mo ang naninirahan dito?" tanong ni Anita sa babae.

 

"Oo," ang maikling sagot ng babae.

 

"Wala kang asawa o iba pang mga anak?" Muling tinanong ni Anita ang babae habang patuloy siyang nagkukulang.

 

"Ako'y balo. Dalawa lang ang anak ko. Itong pumanaw na at isang babae," sagot ang babae.

 

"Nasaan ang anak mong babae?"

 

"Nagpunta siya sa Middle East para magtrabaho bilang domestic helper. Nangako siyang magpadala ng pera para maipa-gamot ang kanyang kapatid, pero hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya. Hindi ako nakarinig mula sa kanya mahigit sampung taon na ngayon," napaluha ang babae nang sabihin niya kay Anita ang tungkol sa kanyang anak na babae.

 

"Sa loob ng mahigit sampung taon hindi niya kayo kinokontak? Hindi mo alam kung ano ang nangyari sa kanya?"

 

"Hindi," sagot ng babae kay Anita.

 

"Matagal ng nagkasakit ang anak mo? Ano ang kanyang sakit?"

 

"Hindi ko alam ang nangyari sa kanya. Isa siyang mabuting bata, nag-aaral siya ng mabuti at nangarap na maging seaman. Ngunit bigla siyang nagbago. Lumalakad na nagsasalita  sa kanyang sarili. Sabi ng mga tao na nabaliw siya dahil sa Shabu, ngunit hindi siya gumagamit ng droga. Ang unang doktor na sumuri sa kanya sinabi na dapat kong siyang dalhin sa Mental Hospital. Hindi ko magawa dahil alam kong hindi baliw ang anak ko, ngunit ngayon ay wala na siya at nag-iisa ako." ang babae ay umiyak.

 

Hinayaan ni Anita na umiyak ang babae.

 

Tiningnan niya ang ID na kanyang hawak. Ito ay estudyanteng ID ng isang paaralan. Mayroon din siyang ganitong ID dati, ang pulubi pala at siya ay pumapasok dati sa parehong paaralan, naisip ni Anita. Ngunit nanginginig bigla ang katawan ni Anita ng tingnan niya ang pangalan, pangalang kailan ma’y hindi niya malilimutan, ang mukha at kung paano tumingin ang pulubing patay na nakahiga lamang sa lupa, ang pulubing ayaw tumanggap ng perang ibinibigay niya at nagsalita lamang na “Ako’y Magpapaalam lamang. Ang patay na pulubi ay si Alex Montoya, na minahal niya dati, ang kanyang unang pag-ibig.  *** itutuloy***Remedios Dorio